-- Advertisements --
image 63

Iniulat ng Department of Trade and Industry (DTI) na nananatiling pasok o mababa sa suggested retail price (SRP) ng mga basic necessities and prime commodities (BNPC) sa bansa.

Ito ay base sa pinakabagong pagpupulong ng mga miyembro ng National Price Coordinating Council (NPCC).

Sa naging assessment ng konseho sa mga price at supply situation sa bansa, pasok sa SRP bulletin na inisyu noong Pebrero 8 ang manufactured goods, agricultural products, medisina at mga produktong petrolyo.

Sa naturang pagpupulong, iniulat ng Philippine Statistics Authority na patuloy ang pagbaba ng presyo ng sibuyas sa National Capital Region gayundin sa iba pang mga rehiyon.

Ayon naman sa Sugar Regulatory Administration, ang presyo ng retail sugar sa mga grocery at supermarkets sa NCR noong nakalipas na buwan ay nasa P87 kada kilo para sa raw sugar at P105 kada kilo naman para sa refined sugar.

Sa Department of Energy naman, iniulat nito na nagkaroon ng cumulative na pagbaba ng P4.85 para sa liquefied petroleum gas o LPG , P5.05 para sa diesel at P6.75 para sa kerosene noong Mayo 30.

Nananatiling stable naman ang presyo ng mga essential medicines dahil sa pagtaas ng bilang ng available na generic brands sa merkado.

Samantala, tiniyak naman ni DTI Consumer Protection Group Undersecretary Ruth Castelo sa publiko na patuloy ang paggawa ng aksiyon ng pamahalaan para protektahan ang interes ng mga mamimili at siguraduhing nananatiling nasa resonableng presyo ang mga basic at prime goods sa merkado.