Bahagyang tumaas ang presyo ng karne ng baboy sa Pilipinas noong huling bahagi ng Setyembre.
Batay sa naging monitoring ng Philippine Statistics Authority (PSA), umabot sa P289.80 ang naging average price sa kada kilong karne ng baboy sa mga merkado sa bansa.
Habang sa huling bahagi ng Agosto ay nasa P289.50 lamang ang presyo ng kada kilo.
Ang maliit na diperensya ay resulta na ng pinagsama-samang presyuhan mula sa ibat ibang mga merkado sa bansa na tinungo ng monitoring team ng PSA.
Batay pa sa datus ng naturang ahensiya, naitala sa Caraga Administrative Region(Region XIII) ang pinakamataas na presyuhan ng karne ng baboy kumpara sa iba pang mga rehiyon.
Ito ay umabot sa P307.67 sa bawat kilo.
Ang Central Visayas(Region7) naman ang nakapagtala ng pinakamababang presyuhan sa kada kilo ng karneng baboy na umabot lamang sa P238.89 ang bawat kilo.
Ang karne ng baboy ay isa sa mga pangunahing binabantayan ng pamahalaan sa pagpasok ng holiday season, lalo at nananatiling apektado ang lokal na supply nito dahil sa African Swine Fever(ASF).
Malaking bulto ng karne ng baboy na isinusuply sa mga merkado sa bansa ay mula sa ibang mga bansa katulad ng Espanya.