-- Advertisements --

Posibleng sumipa ang presyo ng ilang gulay at isda dahil sa pinsalang dinulot ng Habagat at mga nagdaang bagyong Luis at Maymay sa mga sakahan at palaisdaan.

Sa datos kasi ng Department of Agriculture (DA), umabot na sa P1.4 billion ang pinsala ng mga nagdaang kalamidad sa sektor ng agrikultura.

Dahil sa matinding pag-ulan at pagbaha, tumaas ang presyo ng ilang gulay mula sa Cordillera, Central Luzon at Southern Tagalog.

Ayon sa DA umakyat na ang presyo ng cauliflower sa P180 hanggang P350 mula sa P120 hanggang P270.

Ang pechay Baguio naman ay nasa P40 hanggang P150, habang ang carrots ay umaabot na sa P170 kada kilo.

Tumaas din ang presyo ng repolyo, ampalaya, talong at sitaw.

Pati presyo ng ilang isda ay tumaas.

Umaabot na sa P400 kada kilo ang galunggong, habang ang bangus ay nasa P160 hanggang P320 kada kilo at ang tilapia ay nasa P200 kada kilo.

Sa Benguet naman, ilang magsasaka ang napilitang itapon ang kanilang mga ani na carrots at repolyo matapos mabulok habang naghihintay na maibiyahe at maibenta sa La Trinidad.

Ayon sa DA, nakapuwesto na ang tulong para sa mga apektadong magsasaka, kabilang ang mga recovery loan package upang matulungan silang makabangon.