Inaasahang patuloy na bababa ang presyo ng palay at bigas kasabay ng pag-peak ng panahon ng anihan ayon sa grupo ng magsasaka na Federation of Free Farmers (FFF).
Sinabi ni FFF national manager Raul Montemayor, bagamat nakaapekto ang El Nino sa output, ang kabuuang harvest ay nananatiling malataas at maraming suplay sa merkado na inaasahang magpapababa sa presyo ng nasabing agri products.
Dagdag pa nito na ang dry harvest season ay nagsimula na ngayong buwan at magtatagal sa Abril 2024.
Pagkatapos ng dry season harvest sa marso at Abril, karaniwang naguumpisa na aniyang magtanim muli ang mga magsasaka sa Mayo at Hunyo kung saan inaasahan ang mga pag-ulan at aanihin sa Oktubre at Nobiyembre.
Subalit kapag naantala aniya ang pag-ulan sa nasabing buwan maantala din ang pagtatanim ng palay maging sa irrigated areas kapag bumaba ang antas ng tubig sa dam.
Samantala, ayon kay Samahang Industriya ng Agrikultura (Sinag) executive director Jayson Cainglet ang farmgate price ng palay ay bumaba sa pagitan ng P22 at P23 kada kilo para sa fresh palay at nasa pagitan P26 at P28 kada kilo para sa dry palay na inaasahang bababa pa sa P25 kada kilo.