Sa kabila ng mga natatanggap na reklamo ng Department of Transportation mula sa mga pasahero sa mga tren sa Metro Manila dahil sa kakulangan ng fare cards o Beep cards, umaaray din ang mga ito sa mataas na presyuhan ng beep cards
Paliwanag ng DOTr na makikipagkita sila sa mga kinatawan ng AF Payments Inc.(AFPI) at sa card provider ng gobyerno para matalakay ito.
Una ng inamin ng card provider na nakakaranas sila ng mga isyu sa paggawa ng contactless cards.
Nag-ugat aniya ang kakulangan sa beep card dahil sa mga isyu sa supply chain ng electronic chips at special gas mula sa Russia na ginagamit sa paggawa ng beep cards gayundin dahil sa logistics, mataas na halaga ng produksiyon at pagsasara ng manufacturing sites sa China dahil sa pandemiya.
Subalit reklamo ng mga mananakay ng tren na sa kabila ng kakulangan ng beep cards sa ilang Light Rail Transit at Metro Rail Transit, ibinibenta ang beep cards sa halagang P188 kada isang piraso nang walang lamang load at hindi pa kabilang ang shipping fee sa mga e-commerce platforms.
Una ng inanunsiyo noong Lunes ng card provider na inilunsad nito ang kanilang official online stores para sa Beep cards para maibsan ang kakulangan ng nasabing card sa mga tren, bus at modern jeepney stations sa Metro Manila subalit sa ibang mga e-commerce platforms ay ibiniventa ang beep cards sa presyong P120 hanggang P150 nang wala pang load.
Habang sa mga istasyon ng tren ay ibinibenta lamang ang beep cards sa halagang P30.
Ayon naman sa DOTr na tiniyak ng private card provider na maipapadala na ang 150,000 cards sa lalong madaling panahon para matugunan ang naturang isyu.