Kinondena ni Presumprive US President Joe Biden ang patuloy na pagtanggi pa rin ni President Donald Trump na tanggapin ang kaniyang pagkatalo sa katatapos lamang na halalan.
Sa ginagawa raw kasi ni Trump ay may hindi magandang implikasyon ito para sa mamamayan ng Estados Unidos.
Ayon kay Biden, una pa lang ay kumpyansa na ito na siya ang mananalo sa eleksyon dahil na rin sa walang palya na pagpapakita ni Trump ng kaniyang pagiging iresponsable.
Kung maaalala, nagsampa ng kaliwa’t kanang lawsuit ang kampo ng Republican president sa iba’t ibang estado sa paniniwala nito na may naganap na dayaan kahit wala namang ipinapakita na konkretong ebidensya ukol sa mga alegasyon na ito.
Inimbitahan na rin ni Trump ang mga state lawmakers sa White House para makisawsaw sa isyu.
“I’m confident he knows he hasn’t won, is not going to be able to win and we’re going to be sworn in January 20th,” saad ni Biden.
Dagdag pa ni Biden, kahit siya mismo ay hirap basahin kung ano ang tumatakbong taktika sa isip ni Trump.