-- Advertisements --

Kinalampag ni Senador Raffy Tulfo ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) matapos umanong makalusot ang ilegal na aktibidad sa loob ng mga kulungan, kabilang ang pagnenegosyo ng ilang persons deprived of liberty o PDLs.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs noong Abril 15, ibinahagi ni Tulfo ang kaso ng isang dating PDL sa Lapu-Lapu City Jail na umano’y nakapagpatakbo ng bentahan ng phone cards sa loob ng pasilidad at kumita ng milyong halaga ng coupons.

Ayon sa senador, nakababahala ang ganitong sitwasyon kung saan ang isang bilanggo ay nakapasok na ordinaryong tao ngunit lumabas na milyonaryo.

May pasaring din ang senador sa mga opisyal kung saan patanong nitong sinabi na kung kumikita umano ang isang bilanggo ay paniguradong kumikita din ang opisyal na nakatalaga sa naturang kulungan.

Binigyang-diin naman ni tulfo na posibleng magamit ang ganitong setup sa ilegal na komunikasyon, lalo na kung hindi mahigpit na nababantayan ang paggamit ng phone cards at iba pang paraan ng pakikipag-ugnayan sa labas.

Habang, Aminado naman ang kawanihan na may naging pagkukulang sa insidente. Ayon kay BJMP Superintendent Dennis Rocamora, hindi pinapayagan ang PDLs na magnegosyo sa loob ng kulungan, bagama’t may commissary na pinamamahalaan ng jail warden kung saan napupunta ang kita sa livelihood programs.

Sa kasalukuyan, nililimitahan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP)  sa sampu ang authorized contacts ng bawat PDL—limang miyembro ng pamilya at limang propesyonal tulad ng abogado o pari—na kailangang sumailalim sa beripikasyon.

Kaunay nito, Iminungkahi ni Tulfo ang ganap na digitalization ng financial transactions sa loob ng mga kulungan upang masubaybayan ang galaw ng pera at maiwasan ang ilegal na aktibidad, isang mungkahing sinuportahan naman ng BJMP.

Hiniling din ng senador ang pagpapalawak ng CCTV coverage sa mga kulungan, lalo na sa mga matataong lugar, upang mas epektibong mabantayan ang kilos ng mga bilanggo.

Sa kasalukuyan, mayroon lamang 2,600 na CCTV units ang kawanihan para sa halos 500 na pasilidad sa bansa.