LEGAZPI CITY – Matagumpay na naaresto sa Barangay Cabid-an, Sorsogon City, ang isang construction worker matapos mapag-alamang tumakas pala sa kulungan at nagtatago sa naturang lungsod.

Kinilala itong si Jay Flores Madrid alyas Randy Madrid Rasco na gumagamit din ng pangalang Well Jhay Madrid Rasco, residente ng Reyes St., La Trinidad, Benguet.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Pol. Lt Col. Benito Dipad, hepe ng Sorsogon City Police, matapos maberipika sa mga kalapit na police stations ay may nagpadala ng mugshots ng akusado mula sa Aurora Provincial Jail at natuklasan na nakapuga ito sa Sablayan Prison and Penal Farm ng Enero 11, 2016.

Paliwanag pa ng hepe na gumagamit ito ng iba’t-ibang pangalan upang takbuhan ang mga kinakaharap na kaso.

Isa rito ang kasong paglabag sa Presidential Decree 1866 na patungkol sa possession, manufacturing, dealing at disposition ng illegal firearms at explosives.

Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng pulisya sa Aurora Provincial Jail para sa kaukulang disposisyon ng akusado at nang mapagsilbihan ang sentensya sa mga kaso.

Hinihintay din sa kasalukuyang Sorsogon City Philippine National Police ang mga tauhan ng Baler, Aurora sa pag-turnover sa akusado.