-- Advertisements --

Inamin ng Philippine National Police (PNP) na nagkaroon ng pagkakamali ang kanilang Anti Cybercrime Group (ACG) sa pagtukoy sa Presidential Decree 90 o “Declaring Unlawful Rumor-Mongering and Spreading False Information” bilang basehan sa pag-aresto ng mga nagkakalat ng fake news tungkol sa novel coronavirus (n-cov).

Ayon kay PNP spokesperson PB/Gen Bernard Banac, ang naturang Presidential Decree ay na-repeal na noong 1986.

Pero sinabi na Banac na maaari pa ring hulihin ang mga nagkakalat ng fake news sa social media sa bisa ng Article 154 ng Revised Penal Code o “Unlawful Use of Means of Publication and Unlawful Utterances” kaugnay ng Section 6 ng Republic Act 10175 o Anti-Cybercrime Law.

Una nang nagbabala ang ACG na maaring makulong ng anim hanggang 12 taon ang mga mapapatunayang nagkakalat ng fake news tungkol sa n-cov sa ilalim ng anti-cybercrime law.

Ayon kay Capt. Jeck Robin Gamad, tagapagsalita ng ACG, inaaksyunan na nila ang inisyal nilang natukoy na anim na accounts sa social media na nagpapakalat ng fake news na lumilikha ng takot sa mga mamamayan.

Kasabay nito ay nanawagan si Banac sa mga netizens na mag-ingat sa pag-share ng mga hindi opisyal at hindi beripikadong balita dahil maaari rin silang mapanagot sa batas.