Nanawagan ang ilang kongresista kay Pangulong Rodrigo Duterte na irekonsidera ang posisyon nito at mag-endorso na ng kandidato para sa speakership race upang sa gayon ay mahinto na ang alitan sa pagitan ng mga miyembro ng Kamara.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Albay Rep. Joey Salceda na makakatulong ang endorsement ni Pangulong Duterte para makapili ng lider na magsusulong sa legislative agenda ng administrasyon.
Kung titingnan kasi, sa huli ang reform agenda naman ng Pangulo talaga ang kritikal para sa bansa.
Sa ngayon, pitong kandidato na ang nagnanais na maging susunod na lider ng Kamara, anim rito ay kaalyado ng administrasyon.
Samantala, sakaling manindigan ang Punong Ehekutibo sa nauna nitong pahayag na hindi siya makikialam sa speakership race, hindi malayo na maging ang composisyon ng mga mahahalagang posisyon sa kamara ay maantala rin.