Inanunsyo ni Tagbilaran City Mayor John Geesnell Yap II ang kanyang suporta sa presidential bid ni Sen. Christopher “Bong” Go, kasabay ng pagpuri sa walang kapagurang pagsisikap nito na tumulong sa mahihirap at mga biktima ng kalamidad sa Bohol sa kabila ng mga limitasyon dulot ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Yap na susuportahan din niya ang kandidatura ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa pagka-bise presidente, para sa Go-Duterte-Carpio tandem sa 2022.
“(Si Senator Bong Go) talaga ang ating kandidato pagka-presidente at ang ating vice president ay si Mayor Sara Duterte. Iyan ang dadalhin natin sa Tagbilaran City… Kung Bohol at Tagbilaran lang ang pag-uusapan, napakalaking tulong ang naibigay ni Senator Bong Go sa ating probinsya… hindi pa nga natatapos ang pag-iikot ng kanyang team sa iba’t ibang mga bayan. Kung Tagbilaran ‘yung pag-uusapan, tayo ang unang may Malasakit Center (sa Bohol). ‘Yung mga financial assistance pati medical assistance, ‘yung COVID-19 response assistance ay kanya ring ibinigay. ‘Yun rin para sa mga barangay officials every December, lagi nandiyan at hindi niya kinakalimutan ang ating siyudad,” anang alkalde.
Nilinaw ng alkalde na ang desisyon na suportahan si Go ay ginawa ng kanyang grupo sa city level. Bagaman hindi pa niya nakakausap ang provincial leaders ng Pundok Padayon Bol-anon coalition, tiniyak ni Yap na pinal na ang kanyang desisyon, sinuman ang i-endorso ng koalisyon.
“‘Yung sa atin lang, ang ating susuportahan ay ang grupo ni Senator Bong Go and Mayor Sara Duterte para sa ating national level,” pagtiyak ni Yap.
Bilang tugon, pinasalamatan ng senador si Mayor Yap at ang grupo nito sa pagsuporta sa kanya, kasabay ng muling pagtiyak na susuportahan ang response at recovery efforts ng Tagbilaran City sa panahon ng pandemya.
“Maraming salamat kay Mayor Yap at sa mga kapatid kong Pilipino para sa inyong patuloy na pagtitiwala at pagsuporta sa amin ni Pangulong (Rodrigo) Duterte. Ang importante ngayon ay ang serbisyong ibinibigay natin sa taumbayan—kung papaano natin sila maibabangon sa kahirapan, papaano maiiwasan ang gutom, at papaano maipagpapatuloy ang pag-unlad ng ating bayan. Nasa Pilipino ang desisyon pagdating ng panahon. Ako naman, mula noon hanggang ngayon, ang prayoridad ko ay ang tumulong sa mga nangangailangan. Hindi ko sasayangin ang pagkakataon na ibinibigay sa akin ng taumbayan na magserbisyo sa aking kapwa. Kapalit ng inyong tiwala, ibabalik ko sa inyo ang serbisyong may malasakit, tunay at nararapat,” ani Go
Isang taon mula nang mag umpisa ang COVID-19 crisis, ilang relief operations ang isinagawa ng outreach teams ni Go para sa mahigit isanlibong mahihirap at bulnerableng residente ng lungsod, kabilang na ang out-of-school youth, persons with disabilities, market vendors at displaced workers.
Lumawak pa ang kanilang pagtulong sa libo-libo pang indibidwal sa iba’t ibang komunidad na naapektuhan ng COVID-19 at mga nakalipas na mga kalamidad sa Bohol, gaya ng Alburquerque, Alicia, Anda, Antequera, Baclayon, Balilihan, Batuan, Bien Unido, Bilar, Buenavista, Calape, Candijay, Catigbian, Clarin, Corella, Dagohoy, Danao, Dauis, Dimiao, Duero, Getafe, Garcia Hernandez, Guindulman, Inabangga, Lila, Loay, Loboc, Loon, Mabini, Maribojoc, Panglao, Pilar, President Carlos P. Garcia, Sagbayan, San Isidro, San Miguel, Sevilla, Sierra Bullones, Sikatuna, Talibon, Trinidad, Ubay at Valencia.
Samantala, bilang bahagi ng kanyang ongoing initiative na palawakin ang access sa abot-kayang health care services, isinulong ni Go ang pagtatayo ng Malasakit Centers sa Governor Celestino Gallares Memorial Hospital sa Tagbilaran City at sa Don Emilio del Valle Memorial Hospital sa Ubay noong 2018 at 2020.
Sinuportahan din niya ang iba’t ibang infrastructure initiatives upang mapalakas ang lokal na ekonomiya at maiangat ang kalidad ng pamumuhay ng mga Boholanon.
Kinabibilangan ito ng pagko-konkreto ng farm-to-market roads at iba pang kalsada sa Buenavista at Sevilla, pagtatayo ng municipal slaughterhouse sa Inabanga; pagpapaganda ng public markets sa Bilar at Clarin, pagbili at pagkakabit ng solar-powered street lights sa Getafe at pagbili ng multi-purpose vehicle at dump truck para sa lokal na pamahalaan ng Clarin.
Ang iba pang malalaking inisyatiba na kanyang sinuportahan ay ang pagtatayo ng multi-purpose buildings sa Buenavista, Dauis, Loay, Alicia, Anda, Balilihan, Batuan, Danao, Dimiao, Duero, Garcia-Hernandez, Guindulman, Loon, Valencia at Tagbilaran City; at pagpapaganda ng evacuation centers sa Panglao, Anda, Balilihan, Carmen, Corella, Garcia-Hernandez at Valencia.