-- Advertisements --

Umani ng magkakaibang reaksyon ang e-sabong mula sa limang presidential aspirants na dumao sa presidential forum na inorganisa ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP).

Sa Panata sa Bayan forum ng KBP, sinabi nina Manila City Mayor Isko Moreno at Senator Manny Pacquiao na sila ay kapwa pabor sa pag-regulate nang online gambling, na kasalukuyang hindi sakop ng Pagcor.

Iginiit ni Moreno na kung magtutuloy-tuloy din naman ang e-sabong kahit pa mayroon nang legal questions dito, mas mainam na rin aniya na i-regulate na lamang din ito ng pamahalaan para mas mabantayan na rin ito ng mga awtoridad.

Para naman kay Pacquiao, bilan bahagi na rin ng kultura ng Pilipinas ang sabong, dapat i-regulate na lamang din ito ng pamahalaan at tiyakin na tanging ang mga qualified lamang ang maaring sumali rito.

Sa kabilang dako, naniniwala naman si labor leader Leody de Guzman na hindi magiging prayoridad sa kanyang administrasyon kung sakali ang pagbibigay nang prangkisa sa e-sabong.

Mas mainam pa nga aniya na mas tutukan na lamang ng gobyerno ang mas mahahalagang issues tulad ng sa kalikasan at kalusugan.

Sina Vice President Leni Robredo at Senator Panfilo Lacson naman ay tutol sa online gambling, at iginiit na kailangan pa itong talakayin ng husto.

Pero para kay Robredo, nasa Kongreso na rin kung sakali ang kapangyarihan kung sakali hinggil sa pagbibigay ng prangkisa.

Para naman kay Lacson, dapat isaalang-alang ng Kongreso ang “social cost” nang pagpayag sa e-sabong.