Pinuri ngayon ni Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity Secretary Carlito G. Galvez Jr. si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Erwin Tulfo dahil sa mabilis nitong pag-apruba sa inisyal na pondo para matulungan ang dating mga rebelde na ma-reintegrate ang kanilang mga sarili sa mainstream society.
Ayon kay Galvez, ang naturang pondo ay invaluable partikular na ang paglikha ng mga trabaho at iba pang socioeconomic opportunities para sa mga dating rebelde na nagdesisyong magbalik loob sa pamahalaan at isuko ang kanilang mga armas.
Una rito, ipinangako ni Tulfo ang initial P287.95 million mula sa DSWD para sa pagpapatupad ng “sustainable livelihood, modified shelter assistance maging ng cash-for-work programs.
Ito ay para sa mga dating rebelde at kanilang mga pamilya.
Ang close collaboration naman daw ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) at DSWD ay bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga miyembro ng kanilang gabinete na dapat ay walang mapag-iiwanan sa peace and development process.
Sa ilalim ng banner ng Marcos administration na unity, patuloy daw ang pagpapalakas ng OPAPRU sa efforts na ma-sustain ang gains ng peace processes sa pagitan ng national government at ilang moro fronts maging ang ilang dating revolutionary groups.
Noong August 12, ang peace agency kasama na ang Office of the Special Assistant to the President at Office of the Press Secretary ay pinangunahan ang inagurasyon at oath-taking ng mga bagong appointed members ng Bangsamoro Transition Commission (BTA) ang interim government ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).