Umalis na ng bansa si Madagascar President Andry rajoelina matapos talikuran ng ilang unit ng militar kaugnay sa lumalalang protesta na pinangungunahan ng Gen Z na kabataan ayon sa ilang mga ulat.
Kinumpirma ni Siteny Randrianasoloniaiko, presidente ng parliament na lumipad palabas ng bansa si Rajoelina noong Linggo. Isang source din umano mula sa militar ang nagsabing sumakay si Rajoelina sa isang French military aircraft matapos sunduin ng helicopter sa paliparan ng Sainte Marie.
Sa isang Facebook address nitong Lunes, Oktubre 13, sinabi ni Rajoelina na umalis siya ng bansa para sa kanyang kaligtasan ngunit nanindigang hindi niya hahayaang masira ang Madagascar at tumangging bumaba sa puwesto.
Ayon sa ulat ng Reuters at French radio RFI, posibleng nakipagkasundo umano si Rajoelina kay French President Emmanuel Macron, na hindi pa kinukumpirma ang pagtulong ng France sa kanyang pag-alis.
Nabatid na nagsimula ang protesta noong Setyembre 25 dahil sa kakulangan sa tubig at kuryente, ngunit lumawak ito at umani ng suporta mula sa mga militar, partikular sa elite unit na CAPSAT, na dati ring tumulong kay Rajoelina sa 2009 coup.
Tumanggi ang CAPSAT na supilin ang mga raliyista at sa halip ay sinamahan pa nila ang mga kabataan para sa malawakang demonstrasyon. Nagdeklara rin ito ng bagong army chief at ilan din sa mga matataas na opisyal ng bansa ang inalis na sa pwesto.
KRISIS SA BANSA
Ayon sa United Nations, hindi bababa sa 22 katao ang nasawi mula nang magsimula ang mga kilos-protesta. Sa mahigit 30 milyong mamamayan ng Madagascar, tatlo sa bawat apat na pamilya ang namumuhay sa kahirapan.
Tinatayang bumaba ng 45% ang GDP per capita mula ng bansa mula ng makalaya ito noong 1960, ayon sa World Bank.
Kaugnay nito bago pa raw umalis, pinirmahan ni Rajoelina ang clemency order na nagpapatawad sa ilang indibidwal, kabilang ang dalawang French nationals na naakusahan ng tangkang kudeta noong 2021.