-- Advertisements --

Ipinaliwanag ng Western Mindanao Command (WesMinCom) ang naging presensiya ng mga Moro Islamic Liberation Fron (MILF) members sa Cotabato City.

Ayon kay WesMinCom spokesperson Col. Gerry Besana, nagkaroon lamang ng kaunting kalituhan sa protocol na sana’y nabigyan muna ng linaw.

Batay aniya sa kanilang impormasyon, ang mga nasabing MILF members sa Cotabato ay miyembro ng Joint Task Force para imonitor ang plebisito.

Ang presensiyang ito ay kinumpirma ni 6th Infantry Division Commander M/Gen. Cirilito Sobejana kung saan nasa 5,000 MILF members ang namonitor nila.

Dahil dito, agad silang nakipag-ugnayan sa central committee ng MILF at pumayag na i-withdraw ang kanilang mga tropa at bumalik na lamang sa kanilang mga point of origin.

Nitong Sabado bandang alas-8:00 ng gabi nang mamonitor ng militar na lumolobo ang presensiya ng MILF.

Ayon kay Sobejana, posibleng magbibigay suporta lamang ang mga ito sa mga boboto ng “yes.”

Pero hindi rin isinasantabi ng militar ang posibilidad na ma-intimidate ang mga boboto ng “no” sa presensiya ng mga MILF fighters kahit hindi armado ang mga ito.