-- Advertisements --

Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagsisimula ng puspusang kampanya na may kinalaman sa pagbubuwis.

Ginawa ang aktibidad sa Philippine International Convention Center (PICC) sa lungsod ng Pasay, kung saan nakasama niya si BIR Commssioner Romeo Lumagui Jr.

Binigyang diin ng punong ehekutibo ang kahalagahan ng ginagawang koleksiyon ng buwis ng pamahalaan sa gitna ng tinatahak ng administrasyon na lalo pang palakasin ang ekonomiya ng bansa.

Matatandaang sa unang State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo noong isang taon ay nabanggit ng Pangulo na magpapatupad ang kanyang pamamahala ng tax administration reforms sa harap ng inasahang paglago ng ekonomiya ng 6.5 hanggang 7.5 percent ngayong taon.

Magkakaroon aniya ng tax adjustment ang bansa upang makahabol sa rapid development, bunsod ng tinatarget na digital economy.

Sa nakaraang pahayag ni BIR Commissioner Lumagui, sinabi nitong kanilang itinaas ang tax collection target ng higit P500 billion sa harap ng target na umabot sa P2.6 trillion ngayong taon ang makokolektang buwis.