-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Ipinag-utos ng Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr na hindi pababayaan ang mga pamilya na matinding naapektuhan dulot ng ‘shearline’ o pagsalubong ng malamig at mainit na hangin dahilan na nagdulot ng malawakang pagbaha sa ilang bahagi ng Northern Mindanao region noong kasagsagan ng kapaskuhan ng bansa.

Inalahad ito ni Marcos nang makaharap nito ang nasa 1,500 na pamilya na bahagi lamang ng higit 18,000 families na apektado sa Misamis Oriental kaugnay sa nabanggit na kalamidad noong Disyembre 2022.

Inihayag ng Pangulo na gobyerno muna ang bahala sa pang-araw araw pangangailangan ng mga biktima partikular sa mga pamilya na hindi pa nakaalis sa magkaibang evacuation centers.

Dagdag ng Punong Ehekutibo na padadalhan rin umano nila ng construction materials ang mga pamilya na nakaranas ng partial damage houses habang ang hindi na tuluyang magagamit pa dadalhin sa temporary shelters ng gobyerno.

Magugunitang pagtupad ito sa pangako ni Marcos bago lumawas sa China na dadalawin at bigyang financial at foodpacks assistance ang libu-libong pamilya na apektado ng pagbaha at landslide.

Mahigit sa P20 milyon na cash assistance at foodpacks ang naibigay ng Pangulo habang binisita nito ang mga apektadong pamilya ng Misami Occidental at Misamis Oriental nitong araw.