-- Advertisements --

Kinumpirma ni President-elect Bong Bong Marcos na nasa transition process ang kaniyang pamilya para maging First Family simula June 30,2022.

Sa isang video na pinost sa kaniyang YouTube channel, sinabi ni Marcos Jr., na ang kaniyang asawa na si Liza at mga anak na sina Sandro, Simon at Vinny ay kasalukuyang nag-aadjust para sa kanilang bagong buhay bilang miyembro ng presidential family.

Sinabi ng incoming President na pansamantalang iniwan muna ni Liza ang kaniyang posisyon sa kaniyang law firm na M & Associates na kaniyang binuo.

“Malungkot, dahil ito’y alam ko, nakita ko, pinaghirapan niya… talagang binuhos niya ang kaniyang sipag dito, ang kaniyang galing dito. From nothing, nagkaroon ng isang magandang law firm, ngunit wala tayong magagawa dahil siya ay magiging First Lady at kailangan niyang bitawan ang kaniyang interes doon sa kaniyang law firm,” pahayag ni Pres-elect Marcos Jr.

Humingi ng paumanhin si Bong Bong sa kaniyang asawa dahil kailangan nitong iwan ang kaniyang law firm.

Ang panganay nilang anak na si Sandro ay naghahanda na rin sa kaniyang trabaho bilang Ilocos Norte representative.

“Iyong dalawa ko pang anak, dahan-dahang nasasanay dahil marami silang bigla na security. Panay nga reklamo. Pero wala tayong magagawa, ganoon talaga ‘pag ikaw ay naging anak ng presidente,” dagdag pa ni Marcos.

Pinasalamatan naman ni Marcos si Pang. Rodrigo Duterte sa kaniyang mga nagawa sa bansa at saludo siya dito.

“Pinasalamatan ko siya dahil kahit papa’no, sinuportahan kami ni Inday Sara, pati ako. Tiniyak ko sa kaniya na ‘yung mga proyekto niya na nakabuti sa ating bansa ay ipagpapatuloy ko,” dagdag pa ni Marcos.