Inamin ng Department of Justice na wala itong preparasyon isinasagawa ukol sa posibilidad ng pagsuko sa mga co-perpetrators ni former President Rodrigo Duterte sa kasong kinakaharap sa International Criminal Court.
Ayon mismo kay Justice Spokesperson Atty. Polo Martinez, ang kagawaran aniya’y hindi pa pinaghahandaan ang patungkol rito.
Giit kasi ng tagapagsalita na sa kasalukuyan ay wala pa ring inilalabas o miski natatanggap na kopya ng ‘arrest warrant’ laban sa mga pinangalanan kasabawat ng dating pangulo.
Kung kaya’t naniniwala ang opisyal na bunsod nito’y walang nakikitang dahilan para sila’y maghanda o gumawa ng preparasyon sa pag-aresto.
Kanyang binigyang diin na ito’y magreresulta lamang ng ‘spekulasyon’ kung ang Justice Department ay maghahanda sa kabila ng wala pang warrant na inilalabas ang International Tribunal laban sa mga co-perpetrators.
Gayunpaman kanyang sinabi na kanilang nirerespeto ang karapatan ng bawat indibidwal lalo na patungkol sa naturang isyu.
Ang tangi pa lamang pagtitiyak ng Department of Justice ay ang kanilang paghihintay sa ilalabas na resolusyon ng Kataas-taasang Hukuman hinggil sa mga petisyon may kinalaman sa kaso ng pag-aresto kay former Pres. Duterte.
Ito anila ang kanilang pagbabasehan sa kung anong aksyon o hakbang ang gagawin sakali man mag-isyu at makatanggap na ng kopya ng arrest warrant.
Subalit paglilinaw naman ng kagawaran na kanilang hindi binabantayan o minamanmanan ang kinaroroonan ng mga pinangalanan co-perpetrators ng dating pangulo.
Ayon kay Justice Spokesperson Atty. Martinez, paglabag ito sa karapatan nila kung kanilang babantayan ang lokasyon kahit pa walang direktiba.
Kung kaya’t aniya’y kikilos na lamang sila sa oras na magkaroon ng kautusan nagsasabing dapat aksyunan ang pag-aresto.
Si former Pres. Rodrigo Duterte ay kasalukuyang nakadetene sa The Hague, Netherlands, sa kinakaharap na kasong ‘crimes against humanity’ dahil sa implementasyon ng ‘war on drugs’.
Pinangalanan co-perpetrators niya rito sina Sen. Bong Go, Sen. Bato Dela Rosa, former Justice Sec. Vitaliano Aguirre II, at iba pang matataas na opisyal sa nakalipas na administrasyon.
















