Inalmahan ng ilang human rights groups at Commission on Human Rights (CHR) ang paghahanda at mga nakalatag na aktibidad ng gobyerno para sa selebrasyon ng International Human Rights Day.
Kabaliktaran daw kasi ang ginagawang preparasyon ng pamahalaan sa kasalukuyang sitwasyon ng human rights sa bansa. Lalo na ang mga programa na pinangungunahan ng Department of Justice (DOJ) at Department of Foreign Affairs (DFA).
Sandamakdak umano ang nangyayaring human rights violation sa Pilipinas, tulad ng extrajudicial killings, pagsupil sa press freedom, mga pag-aresto at red-tagging sa mga aktibista.
Idinagdag pa rito ni CHR Commissioner Karen Gomez-Dumpit ang pagsupil din sa freedom of expression.
Para naman sa Secretary General ng grupong Karapatan na si Cristina Palabay, nahaharap umano ang bansa sa pinakamalalang kalagayan ng human rights dahil sa napakaraming paglabag.
Sa hanay lang umano ng human rights advocates ay mayroon ng 353 na napatay sa ilalim ng extrajudicial killings.
Hindi rin aniya maaaring balewalain ang mainit na isyu hinggil sa red-tagging, kung saan kalimitan ay nagkakaroon ng cyber attacks at pagtatanggal pa ng mga website.
Dahil dito ay hinihiling ng naturang grupo na gawing krimen ang red-tagging dahil kahit ang mga estudyante ay nagiging biktima na nito.
Hindi raw dapat ito ginagawa mga estudyante dahil ang paaralan umano ay isang lugar kung saan namamahay ang iba’t ibang ideya at paniniwala na bukas na pinag-uusapan ng bawat isa bilang parte ng academic freedom ng mga estudyante.