-- Advertisements --

Hindi pa rin daw maidedeklara ng Department of Health (DOH) ang “peak” ng mga kaso ng coronavirus disease, sa kabila ng ilang development sa sitwasyon ng pandemic sa Pilipinas.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, premature o maaga pa rin para sabihing naabot na ng estado ang rurok ng infection ng virus.

“When we say it’s plateuing, makikita natin doon sa graph na walang masyadong change and parang nagsta-stabilize siya across that numbers,” paliwanag ng opisyal.

Malaki raw ang nakataya kung magdedeklara ang ahensya na naabot na ng bansa ang peak ng COVID-19 cases, lalo na’t taliwas pa rito ang sitwasyon.

Dahil patuloy ang pagpapalawak sa testing capacity, asahan umano na magbabago pa ang estimation sa maaabot na peak ng bansa sa mga kaso ng sakit.

“Kung anuman ang meron kami na datos para i-estimate ang mga (peak), mababago po lahat ‘yan sa pagpasok ng mas maraming datos sa mga dadating na araw.”

Batay sa huling inilabas na data ng DOH, may total na 8,212 ang numero ng confirmed COVID-19 cases sa bansa.

May 558 na namatay at 1,023 na gumaling mula sa kabuuang bilang.