-- Advertisements --

Agad na nagpatupad ng safety monitoring protocols ang Philippine Red Cross (PRC) matapos ang naitalang Magnitude 4.5 na lindol sa kanlurang bahagi ng Tuba, Benguet, alas-2:33 ng hapon ngayong Hulyo 9, 2026.

Ayon sa ulat ng PHIVOLCS, may lalim na 10 kilometro ang lindol at nagdulot ng malakas na pagyanig sa ilang bahagi ng Hilagang Luzon.

Naitala ang Intensity V sa Lungsod ng Baguio, Intensity IV sa Aringay, La Union, Intensity III sa Sison, Pangasinan, Intensity II sa Urdaneta, Pangasinan, at Intensity I sa Cuyapo at Lingayen, Pangasinan.

Sinabi ni PRC Chairman at CEO Richard Gordon na agad na kumilos ang kanilang Baguio City Chapter staff at volunteers upang magsagawa ng maayos na evacuation sa mga gusali at tiyakin ang kaligtasan ng lahat.

Nag-monitor din ang mga team sa mga convergence zones gaya ng Melvin Jones Grandstand.

Bagama’t hindi inaasahan ang malalaking pinsala o aftershocks, iniulat ng PRC na malakas ang pagyanig na nag-udyok ng precautionary evacuations.

Sa kasalukuyan, wala pang naiulat na nasaktan o nasirang estruktura, ngunit nananatiling alerto ang kanilang mga team upang magbigay ng agarang tulong kung kinakailangan.