-- Advertisements --
Health Usec. Vergeire
IMAGE | Health Usec. Maria Rosario Vergeire in a March 28, 2020 virtual presser/Screengrabed from PTV

Humingi ng pag-unawa ang Department of Health (DOH) sa sektor ng healthcare workers dahil sa P500-daily allowance na ibibigay sa mga magvo-volunteer kontra COVID-19.

“Humihingi kami ng tawad kung ang impresyon na naibigay ng P500 daily allowance ay ganito lamang ang halaga ng binibigay namin sa healthcare workers.”

“Hindi ito mas lalayo pa sa katotohanan, doktor din ako. Alam namin dito sa kagawaran kung gaano ka-importante, ka-delikado maging isang healthcare worker lalong lalo na sa ganitong panahon.”

Paliwanag ni Health spokesperson Usec. Maria Rosario Vergeire, naka-base ang naturang halaga sa kompensasyong ibinigay ng kagawaran sa volunteers ng mga nakaraaang outbreak response.

“Ito ay binase namin sa allowance na binigay namin sa aming volunteers sa mga nakaraang outbreak response na nagawa.”

Bagamat maganda ang intensyon ng DOH para may pang-araw araw sanang allowance ang mga magvo-volunteer, batid ni Usec. Vergeire na hindi ito sapat.

Sa ngayon daw, prayoridad ng hawak na pondo ng Health department ang pagbili sa mga personal protective equipment (PPE).

Pero dahil inaprubahan na ng Kongreso ang hiling nilang supplemental budget, inaasikaso na rin daw ngayon ng DOH ang alokasyon ng pondo.

“Amin nang inaayos ang paghahati ng pera para mapaglaanan natin lahat ng importanteng bagay tulad ng compensation sa ating healthcare workers.”

Ito ay para mas mahati ng pantay ang inaprubahang budget sa mga kailangang serbisyo katulad ng bayad sa mga volunteer, PPEs at iba pa.

Sa huling bilang ng DOH, may 593 indibidwal na raw ang nag-sign up sa kanilang DOH Health Warrior portal.

Ide-deploy ang naturang bilang at mga maga-apply pa sa referral hospitals ng COVID-19.