-- Advertisements --
image 305

Inatasan na ng Philippine Ports Authority (PPA) ang lahat ng mga opisyal sa mga pantalan sa bansa para maghanda ng contingency measures para sa worse case scenario sa gitna ng banta ng super typhoon Mawar na inaasahang pumasok sa area of responsibility ng Pilipinas nitong weekend.

Bagamat ang naturang super typhoon na tatawaging bagyong Betty sa oras na pumasok sa bansa ay hindi inaasahang mag-landfall, inaasahan naman na magdadala ito ng matinding pag-ulan sa ilang parte ng bansa.

Ayon kay PPA General Manager Jay Daniel Santiago, nagbigay na ito ng direktiba sa mahigit 100 pantalan sa buong bansa na tiyaking nakalatag ang standard operating procedures para maprotektahan ang buhay at properties sa mga pantalan.

Gayundin pinaalalahanan ang mga staff at empleyado ng PPA na siguraduhing mayroong maibibigay na pagkain para sa mga posibleng ma-stranded na mga pasahero.

Magbibigay din ng updates ang ahensiya 24/7 para paalalahanan ang mga pasahero at mabigyan ng napapanahong impormasyon kaugnay sa mga kanselasyon ng mga biyahe at No Sail Policy depende sa direktiba ng Philippine Coast Guard at Marina.

Nakaalerto naman ang PPA Emergency and Medical Teams para sa pagtugon sa emergency situation.