CAUAYAN CITY – Sinimulan na ngayong araw ang pagpapakalat ng disinfectant powder sa Wuhan City, China para mahadlangan ang patuloy na pagkalat ng bagong strain ng coronavirus.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Diana Rose Guillermo-Dai, tubong Aglipay, Quirino na nakapag-asawa ng Chinese national at nakatira sa Sichuan Province, China, sinabi niyang simula kahapon ay naka-shotdown na ang lahat ng mga public transport sa Wuhan City at ipinatupad na rin ang lockdown.
Aniya, pinapayuhan ang lahat ng mga tao sa lugar na huwag munang lumabas.
Kinailangan umanong ipatupad sa lugar ang mahigpit na pagbabantay hindi lamang para makontrol ang outbreak ng virus kundi para hindi ito kumalat pa sa iba’t ibang bansa.
Ayon pa kay Ginang Dai, galing lamang sa isang seafood market na nagsasagawa ng illegal transactions sa mga wild animals gaya ng paniki ang nasabing sakit.
Nagsimula lamang aniya ito sa simpleng sipon noon.
Sinabi ni Gng Dai na nananatili sa 17 ang namatay sa Wuhan City habang higit 500 na ang kaso sa nasabing virus.
May mga naitala na rin aniyang kaso sa mga lugar na malapit sa Wuhan City.