Tutol si dating Comelec Commissioner Gregorio Larrazabal sa ideya na ipagpaliban ang May 2022 elections dahil sa COVID-19 pandemic.
Parang mali naman aniya na pinayagan na nga ang publiko na pumunta sa bahagi ng Manila Bay para makita ang artificial white sand na itinambak doon, gayundin sa pagbubukas ng Boracay sa Oktubre, pero natatakot na pahintulutan ang mga botante na bumoto sa 2022 national at local elections.
Hindi aniya iniisip na hindi matutuloy ang halalan sa susunod na dalawang taon dahil bukod sa unconstitutional ito ay baka hindi rin seryosohin ng mga opisyal ng pamahalaan ang kanilang paghahanda para sa maayos na eleksyon.
Inirekominda ni Larrazabal na isagawa sa loob ng ilang araw ang halalan, pero nababahala naman sa kaligtasan o seguridad ng mga balota at election workers laban sa posibleng harrassment mula sa mga supporters ng mga kandidato.
Gayunman, sa ngayon, pinag-aaralan na aniya ng Comelec ang legal implications nang pagdaraos ng halalan sa loob ng ilang araw pati na rin ang sasahurin ng mga election marshals na kanilang kukunin.