-- Advertisements --

Tutulungan ng pamahalaan ang mga maliliit na negosyo sa bansa gamit ang 2021 proposed national budget.

Sa isang ambush interview, sinabi ni Cayetano na bagama’t pinaplano pa lang ang pambansang pondo para sa susunod na taon, nakikita na nila na ngayon pa lamang na matulungan ang micro, small, and medium enterprises (MSMEs).

Isa kasi aniya ang MSMEs sa mga nagdusa ng husto sa epekto ng COVID-19 pandemic.

Nauna nang inatasan ni Cayetano si Deputy Speaker Lray Villafuerte at House Committee on Appropriations chairman Eric Yap na makipagpulong kay Budget Sec. Wendel Avisado para talakayin ang proposed budget sa susunod na taon.

Sa naturang pulong, sinabihan ni Cayetano sina Villafuerte at Yap na maging “very sensitive” sa mga pagbabago sa lipunan na idinulot ng COVID-19 pandemic gayundin sa stimulus plan na tutulong sa pag-recover ng bansa sa krisis na ito.

“Even the projects na i-screen ng DOTr (Department of Transportation), ng Department of Agriculture, at DPWH (Department of Public Works and Highways) will have to be projects that will fit the new normal,” ani Cayetano.

Sinabi ng lider ng Kamara na sinusubukan nila sa ngayon na makipagpulong sa iba’t ibang grupo na apektado ang kabuhayan dahil sa COVID-19 crisis.

Nabatid na sa ngayon isinusulong sa Kamara ang P370-billion fiscal stimulus package para masolusyunan ang impact ng COVID-19 pandemic sa ekonomiya ng bansa at para matiyak na rin na makapag-operate pa rin ang mga negosyo pagkatapos ng krisis.