-- Advertisements --

Pinag-aaralan ngayon ng Department of Education (DepEd) na palawigin pa ang school year upang tugunan ang hamong dala ng distance learning.

Ayon kay DepEd Undersecretary for Curriculum and Instruction Diosdado San Antonio, tinatalakay na ng mga opisyal ng ahensya ang paksa kaugnay sa pagpapalawig ng academic calendar para sa School Year (SY) 2021-2022.

Sinabi pa ni San Antonio, bagama’t wala pang schedule, ikinokonsidera rin ng DepEd na magpatupad ng mga pagbabago sa kasalukuyang school calendar.

Layunin aniya nito na mabigyan ng pagkakataon ang mga mag-aaral na makumpleto ang kanilang mga requirements sa paaralan.

Kung maaalala, nasa mahigit 25-milyong mga estudyante ang nag-enroll sa basic education level sa buong bansa.

Para siguruhin naman ang kaligtasan ng mga guro at estudyante sa gitna ng COVID-19 pandemic, kasalukuyang nagpapatupad ng distance learning set-up ang ahensya.