Nakilahok ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Defense and Security Equipment International (DSEI) conference sa Japan kung saan tinalakay ang posibleng paglikha ng Status of Forces Agreement (SOFA) sa pagitan ng Pilipinas at Japan.
Sa naturag conference nagtipun-tipon ang defense industry stakeholders sa buong mundo na susuporta para sourcing ng pinakabagong equipment at systems, pag-develop ng international relationships at pag-generate ng bagong mga oportunidad sa pagnenegosyo sa pagitan ng Japan at sa ibang mga bansa.
Ang highlight ng naturang event para sa Philippine delegation ay ang high-level bilateral meeting sa pagitan nina Gen. Andres Centino, ang AFP Chief of Staff, at Gen. Koji Yamazaki, ang Chief of the Japan Self Defense Forces (JSDF).
Natalakay ng dalawang Chiefs of Defense ang mga isyu pagdating sa maritime cooperation at defense, capability development, at ang proposed Reciprocal Access Agreement (RAA) or ang Status of Forces Agreement (SOFA).
Katulad ng Visiting Forces Agreement (VFA) na napagkasunduan sa Amerika, target ng gobyerno ng Pilipinas na magkaroon din ng Status of Forces Agreement sa Japan na magbibigay daan para sa enhanced training at exercises sa pagitan ng Pilipinas at Japan.
Sa naturang kasunduan, layunin nito na maglagay ng military forces sa bansa bilang bahagi ng security arrangement habang ang Reciprocal Access Agreement (RAA) naman ay isang bilateral defense at security agreement ng Japan sa ibang bansa para magkaroon ng military training at operation.
Matatandaan na noong nakalipas na buwan, inihayag ni President Ferdinand Marcos Jr. na bukas ito sa ideya ng pagkakaroon ng Status of Forces Agreement or Visiting Forces Agreement sa Japan sa kondisyon na hindi ito magiging provocative para maiwasan ang tensiyon sa may West Philippine Sea (WPS).