Sinisiyasat na ng National Privacy Commission ang posibleng breach ng personal data kabilang ang mga nakompormisong accounts na nakaranas ng hindi awtorisadong money transfers sa mobile wallet app na GCash.
Magugunita na nito lamang araw ng Martes, Mayo 9, napaulat na nagkaroon umano ng cash transfers na hindi awtorisado ng mga mobile wallet account users.
Nasa 300 katao sa isang grupo sa online platform ang nagsabing ilan lamang sila sa mobile wallet app users na nabiktima at nawalan ng pera.
Kasunod ng insidente, hindi na ma-access ang digital platform at kalaunan ay nagbalik-operasyon at inanunsiyong nagsagawa na sila ng adjusment sa e-wallets ng users na naapektuhan ng hindi awtorisadong cash transfers.
Nilinaw din ng digital platform na ang naranasang glitch ay hindi isang hacking incident at sa halip, posibleng phishing scheme ang dahilan sa maanomaliyang cash transfers.
Sa kabila nito, inihayag ng NPC na maglulunsad ito ng indpendent inquiry para makumpirma ng claims ng pamunuan ng mobile wallet app na phishing ang dahilan ng insidente.