Lumobo na sa 8 billion ang populasyon sa buong mundo batay sa projections mula sa United Nations.
Ayon kay UN Secretary-General Antonio Guterres, ang panibagong milestone na ito ay isang okasyon para ipagdiwang ang diversity at advancements habang ikinokonsidera ang shared responsibility ng bawat tao para sa ating ginagalawang planeta.
Ang kasalukuyang populasyon ay mahigit tatlong beses na mas mataas kumpara sa 2.5 billion na bilang na naitala sa buong mundo noong taong 1950.
Iniuugnay naman ng UN ang pagtaas sa bilang ng populasyon sa mahabang buhay ng mga tao dahil na rin sa magandang kalusugan, nutrisyon, personal hygiene at medisina.
Ito rin aniya ay resulta ng mataas na fertility rates partikular na sa mahihirap na bansa sa iba’t ibang panig ng mundo karamihan sa sub-Saharan Africa.
Sa pagtaya pa ng UN, inaasahang magtutuluy-tuloy ang paglobo ng populasyon sa 8.5 billion pagsapit ng taong 2030, 9.7 billion sa taong 2050 at inaasahang mag-peak ito sa 10.4 billion sa 2080.