Lumabas sa isang pag-aaral na magiging sadsad na ang bilang ng populasyon sa halos lahat ng bansa sa buong mundo bago matapos ang kasalukuyang siglo o sa taong 2100.
Ayon sa pag-aaral, halos kalahati ng mga bansa sa mundo ang nakararanas na ng aging population at nahihirapan ng mapanatili ang kasalukuyang bilang ng kanilang populasyon.
Ayon sa US organization na Institute for Health Metrics and Evaluation, sa 204 na bansa ay tinatayang 198 sa mga ito ang makararanas ng pagsadsad ng bilang ng populasyon sa 2100.
Sa kabila nito, lumabas din sa pag-aaral na mas malaki ang tiyansa ng pagbaba ng populasyon ng mga mayayamang bansa kumpara sa mga developing countries. Ayon sa mga mananaliksik, malaki umano ang implikasyon nito sa pandaigdigang ekonomiya.
Para naman sa World Health Organization, may mabuti namang maidudulot ang pagbaba ng populasyon sa mundo partikular na sa food security ng mundo. Subalit ipinunto rin ng naturang organisasyon na malaki ang magiging kabawasan nito sa labor supply, social security, at nationalistic geopolitics.
Nilinaw naman ng Institute for Health Metrics and Evaluation na ito ay projection lamang at maaaring magbago.