Pinuri ni Pope Leo XIV ang kasaysayan ng Estados Unidos sa pagtanggap ng mga imigrante, kung saan hinimok din niya ang Amerika na manatiling tapat sa ideals nito matapos makalaya sa mga mananakop.
Sa isang video message mula sa Vatican, tinanggap ni Pope Leo ang Liberty Medal mula sa National Constitution Center sa Philadelphia. Dito, sinabi niyang ang salitang “America” ay naging simbolo ng kalayaan sa buong mundo dahil sa pagiging bukas nito sa mga imigrante.
Hinikayat ng Santo Papa ang Estados Unidos na isabuhay ang mga prinsipyong nakasaad sa Declaration of Independence, lalo na sa nalalapit nitong ika-250 anibersaryo bilang isang malayang bansa.
Ayon sa kanya, mahalagang manatiling gabay ng Amerika ang pagkakaisa, katarungan, at kapayapaan na itinaguyod ng mga founding fathers.
Binigyang-diin din ni Pope Leo ang kahalagahan ng pagprotekta sa buhay mula sa sinapupunan hanggang sa natural na kamatayan, at sinabi na nasusukat ang moral na katatagan ng isang bansa sa kung paano nito pinangangalagaan ang mga mahihina at naaapi.
Bagama’t hindi niya binanggit si U.S. President Donald Trump o iba pang lider, dati nang ktitiko ang Santo Papa sa ilang patakaran hinggil sa imigration, na tinawag niyang hindi makatao.
Si Pope Leo, na tubong Chicago, ay hindi pa nakababalik sa Estados Unidos mula nang mahalal bilang Santo Papa noong 2025, ngunit nakikibahagi na sa ilang mga kaganapan sa pamamagitan ng video message.
















