-- Advertisements --
image 255

Ipinag-utos ni Pope Francis ang pagtanggal ng lahat ng lider ng Caritas Internationalis kabilang si Cardinal Luis Antonio Tagle bilang President emeritus ng naturang confederation.

Ang hakbang ng Santo Papa ay kasunod mga napaulat na isyu sa umano’y hindi maayos na pamamalakad ng naturang charity confederation kabilang ang kaso ng verbal abuse, favoritism at mismanagement na nagresulta sa pagbibitiw ng ilang staff.

Subalit paglilinaw at tiniyak naman ni Cardinal Tagle na ang naturang desisyon ng Santo Papa ay kasunod ng masinsinan at independent na pagsisiyasat para muling isaayos ang naturang organisasyon.

Pinabulaanan din ni Cardinal Tagle na hindi ito dahil sa sexual harassment o sexual abuse at hindi din dahil sa financial mismanagement.

Pansamantala namang itinalaga ni Pope Francis bilang temporary administrator si Pier Francesco Pineli para pamahalaan ang naturang charity arm ng Simbahang katolika hanggang sa makapagtalaga ng panibagong mga opisyal.

Sa kabila nito, nananatili pa rin sa Vatican si Cardinal Tagle at aasistihan si Pinelli sa paghahanda sa isasagawang general assembly sa Mayo 2023 para sa paghalal ng mga bagong opisyal ng caritas internationalis.

Ang Caritas Internationalis ay isang confederation na nakabase sa Vatican na binubuo ng 162 catholic relief, development at social services organizations na nasa mahigit 200 mga bansa at territories.

Una ng naitalaga bilang President ng Caritas si Cardinal Tagle noong 2015 na siyang kauna-unahang presidente na nagmula sa Asia at muling naitalaga noong 2019 at nakatakdang magtapos ang kaniyang termino sa susunod na taon.