LEGAZPI CITY – Isinusulong ng Commission on Population (POPCOM) ang pagdedeklara ng national emergency sa adolescent pregnancy.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay POPCOM Executive Director Usec. Juan Antonio Perez III, nakakabahala na ang lumabas sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) na nasa 534 na kabataang babae ang nanganganak bawat araw habang umaabot sa 200,000 ang teenage moms sa bawat taon.
Ayon kay Perez , patuloy pang tumataas ang trend nito sa kabila ng malakas na kampanya sa family planning, adolescent health at Reproductive Health (RH) Law.
Kaugnay nito, hiniling na ng POPCOM sa Kongreso at kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapalabas ng batas o Executive Order na sasagot sa naturang problema.
Nabatid na pinakamaraming bilang ng maagang nagbubuntis ang mula sa Central at Southern Mindanao.










