-- Advertisements --

Tiniyak ni Speaker Martin Romualdez na mapopondohan ang mga specialty center na ilalagay sa mga regional hospitals upang mailapit sa mga Pilipino, lalo na sa mga mahihirap, ang maayos na serbisyong pangkalusugan.

Ginawa ni Speaker Romualdez ang pagtitiyak matapos na lagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Republic Act (RA) No. 11959, o Regional Specialty Centers Act.

Sinabi ni Speaker Romualdez na sisilipin ang panukalang P5.768 trilyong budget para sa 2024 upang malaman kung may nakalaang pondo para sa pagpapatupad ng RA 11959.

Aatasan umano ni Speaker Romualdez ang Committee on Appropriations upang tiyakin na mapopondohan ang bagong batas sa 2024.

Sa kasalukuyan, ang specialty hospitals na Heart Center, Kidney Center, Lung Center, Children’s Medical Center, at Orthopedic Hospital ay matatagpuan lahat sa Metro Manila.

Ang panukalang specialized regional centers ay lalagyan umano ng mga angkop na kagamitan at tauhan.

Ibig sabihin hindi na kailangan pang lumuwas patungong Maynila para magpagamot ang mga kababayan natin na nasa ibat ibang rehiyon.

Samantala, ikinatuwa ni Anakalusugan Partylist Rep. Ray Reyes ang pag apruba ng Pangulo ng pagbuo ng mga regional specialty centers.

Sinabi ni Reyes malaking bagay ang pagkakaroon ng specialty hospitals sa ibat ibang rehiyon.

Hindi na mahihirapan ang ating mga kababayan na magpagamot lalo kung nangangailangan sila ng mga espesiyalistang manggagamot.