-- Advertisements --

Naisama na raw sa panukalang pondo para sa taong 2023 ang pondo para sa libreng sakay na programa ng ating pamahalaan.

Ayon kay Senator Sonny Angara, dahil sa naturang pondo ay posibleng tatagal pa hanggang sa susunod na taon ang libreng sakay na programa ng Department of Transportation (DoTr).

Una rito, may mga apelang ipagpatuloy ng gobyerno ang libreng sakay hanggang sa susunod na taon.

Noong buwan ng Agosto, sinabi ni DoTr Undersecretary for Road Transport and Infrastructure Mark Steven Pastor na inihirit nila ang P12 billion na pondo para maipagpatuloy ang programa sa taong 2023.

Makapagbibigay ito ng libreng sakay sa mga commuters at makapagbibigay rin ng insentibo sa mga public utility vehicle (PUV) drivers at operators na kasali sa naturang inisyatiba ng pamahalaan.

Hindi raw kasali ang naturang pondo sa National Expenditure Program (NEP).

Ipinaliwanag naman ni Budget Undersecretary for Media Affairs, Community Relations, and Internal Audit Goddes Libiran na ang service contracting program ay isang non-recurring o one-time expenditure item.

Kung maalala ang Libreng Sakay program ng DOTr at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ay inilunsad noong taong 2020 sa ilalim ng Republic Act No. 11494 o ang Bayanihan to Recover as One Act para tulungan ang mga commuters at ang mga nasa public transport sector na apektado ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.