-- Advertisements --

Tinaasan pa ng Department of Finance (DOF) ang pondong inilaan para sa COVID-19 response ng pamahalaan.

Mula sa dating himigit kumulang P1.71 trillion, ginawa na ito ng DOF na P1.491 trillion para sa laban kontra nakakamatay na COVID-19.

Ayon kay Dominguez, katumbas ng naturang halaga ang nasa 8 porsiyento ng gross domestic product (GDP) ng bansa noong nakaraang taon.

Ang naturang halaga ay gagamitin sa iba’t ibang programa na nakadisenyo para tulungan ang mga napapabilang sa most vulnerable sectors.

Sinabi ng kalihim na P590 billion ang para sa emergency subsidy program, kung saan P205 billion dito ay para sa P5,000 hanggang P8,000 na ibibigay sa 18 million na low-income families, at P51 billion naman para sa wage subsidy ng mga empleyado ng micro, small and medium enterprises (MSMEs).

Nagkakahalaga ng P2 billion ang pondong inilalaan para sa cash assistance ng Department of Labor and Employment (DOLE) para sa mga manggagawang nawalan ng trabaho sa gitna ng enhanced community quarantine, at P1.5 billion pa para sa mga apektadong OFWs.

Pinaglalaanan naman ng P1.2 billion ang loan program ng Department of Trade and Industry (DTI) para sa mga MSMEs, habang P2.5 billion naman ang para sa pautang ng Department of Agriculture (DA) sa mga magsasaka at mangingisda.

Aabot naman sa P36 billion ang pondong ibibigay para sa mga lokal na pamahalaan bilang karagdagang tulong.

Ilan sa mga programang ito ay nasimulan nang maipatupad kasunod nang pagbibigay ng emergency powers kay Pangulong Rodrigo Duterte sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act.