Aminado si Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na mas mataas sana ang pondo para sa Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2 kung mas marami lang sana ang resources ng pamahalaan.
Ginawa ni Zubuiri ang naturang pahayag matapos na aprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang kanilang bersyon ng Bayanihan 2, na nagkakahalaga ng P140 billion para gamitin sa pagsisindi ng ekonomiya sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Sa isang panayam, inamin ni Zubiri na hindi sapat ang pondo na nakasaad sa ilalim ng kanilang bersyon ng panukalang batas.
Sang-ayon aniya siya kay Sen. Ralph Recto na ang P140-billion allocation ay katumbas lamang ng isang buwang halaga ng sahod ng mga empleyado ng gobyerno.
Ayon kay Zubiri, gusto sana nilang ituloak ang mas mataas na pondo para sa Bayanihan 2 pero binigyan aniya sila ng ceiling o funding cap ng Department of Finance.
Mismong si DOF Sec. Carlos Dominguez na aniya ang nagsabi na hanggang P140 billion lang ang kaya nilang pondohan dahil sa kakulangan ng pera.
Kung masyado aniyang malaki ang nilagay nilang pondo sa Bayanihan 2 ay maari aniyang ma-veto lang ito dahil hindi kaya ang pagkakaroon ng mas mataas na pondo.