Pinag-aaralan ngayon ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang posibilidad na humingi ng karagdagang pondo para sa kanilang programa para sa mga OFWs na apektado ng COVID-19 pandemic.
Sa pagdinig ng House Committee on Public Accounts, sinabi ni Labor Sec. Silvestre Bello na sa P2.5 billion na pondo para sa DOLE-AKAP para sa mga OFWs, mahigit P1.7 billion ang kanilang nagagamit.
Kukulangin aniya ang natitirang pera para sa naturang programa sakaling maaprubahan sa mga susunod na buwan ang karagdagang 500,000 applications sa DOLE-AKAP.
Sa ilalim ng naturang programa, binibigyan ng DOLE katuwang ang OWWA ng 200 usd ang mga OFWs na apektado ang kabuhayan dahil sa COVID-19 pandemic.
Sa ngayon, sa mahigit 8 million documented at undocumented OFWs, sinabi ni Bello na 188,952 ang nagsabing hindi sila babalik ng Pilipinas sa gitna ng COVID-19 pandemic,85,334 ang kinukonsidera bilang stranded OFWs, habang 18,590 naman ang payag sa repatriation efforts ng pamahalaan.