Nababahala si ACT Teachers party-list Rep. France Castro na magamit pa rin sa katiwalian ang mataas na pondo na inilaan ng Department of Education sa kanilang Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (GASTPE) program.
Ayon kay Castro, baka kasi maulit ang mga anomalya na natuklasan ng Commission on Audit (COA) sa kanilang 2018 report kung saan maraming mga ghost students ang nakalista sa ilalim ng programa na mabibigyan ng voucher para makapag-aral sa mga private schools.
Ang DepEd ay may P673 billion na pondo para sa susunod na taon, kung saan P31.18 billion dito ay mapupunta sa GASTPE program.
Samantala sa kabila ng mataas na pondo para sa naturang programa, nabawasan naman ang alokasyon na inilaan ng DepEd sa ilan sa kanilang mga mahahalagang items.
Kabilang dito ang pondo para sa mga libro at iba pang instructional materials na may P881.24 million budget lamang, habang P1.39 billion naman ang budget para sa mga learning materials.