-- Advertisements --

Tinawag ng environmental watchdog na iligal ang polisiya ng Department on Environment and Natural Resources-Protected Area Management Board (DENR-PAMB) na nagpapahintulot sa paggamit ng 20% ng burol sa dinarayong Chocolate hills para sa development.

Ayon sa Tagbilaran Baywatch, isang watchdog para sa sustainable coastal development sa lalawigan ng Bohol, labag ang naturang polisiya sa Proclamation No. 1037 na inisyu ni dating Pangulong Fidel Ramos noong 1997 na nagdedeklara sa Chocolate hills, sa mga lugar na nasa loob at paligid nito bilang protected areas.

Una na kasing inaprubahan ng ahensiya noong 2-18 ang Resolution No. 01 na nagi-endorso sa proposed Captain’s peak garden and Eco-park Tourism Resort sa Barangay Canmano sa bayan ng Sagbayan sa lalawigan.

Kung saan nakasaad sa resolution na ang function hall at lahat ng iba pang imprastruktura ay dapat na maitatag sa loob ng 20% area mula sa base ng burol na itinuturing bilang multiple use zone.

Ngunit ayon sa Tagbilaran Baywatch dapat na ipawalang bisa ang naturang resolution ng DENR-Protected Area Management Board at hilingin ang permanenteng pagsasara at demolisyon ng mga struktura ng resort.

Nanawagan din ang grupo sa DENR na maglunsad ng legal action para sa demolisyon ng mga struktura matapos nga isyuhan ang resort ng cease and desist order.

Sakaling maipataw aniya ang legal action at mapatunayang lumabag nga sa batas ang resort, umapela ang grupo ng pagpapataw ng mga parusa para sa resort na nagoperate ng walang Environmental Compliance Certificate.