Hinimok ni BHW party-list Rep. Natasha Angelica Co ang pamunuan ng PhilHealth na mag-apruba ng panibagong resolusyon na maglalahad ng packages at rates na ibibigay sa mga makakaranas ng adverse effects matapos maturukan ng COVID-19 vaccines.
Sa ganitong paraan ay kaagad na mabibigyan ng legal backing ang indemnification agreements ng Department of Health at National Task Force on COVID-19 sa mga manufacturers ng bakuna.
Ito ay habang hindi pa aniya napagpapatibay ng Kongreso ang mga panukalang batas na naglalayong magtatag ng indemnification fund sa mga bakuna, katulad ng inihain niyang House Bill 7480.
Samantala, bukod sa PhilHealth, sinabi ni Co na maari ring bumalangkas at maglabas ng bagong polisiya ang Employees Compensation Commission, Insurance Commission, GSIS at SSS para sa indemnification ng mga empleyado na pumanaw na o nag-leave sa trabaho dahil sa matinding epekto ng COVID-19 vaccines.
“These are the faster ways to assure the Filipino people that government will be there to help them when they need help the most,” dagdag pa ni Co.