Inihayag ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na umabot na sa mahigit P117 milyon ang naipamahaging tulong sa mga pamilyang naapektuhan ng patuloy na pag-aalboroto ng Bulkang Mayon sa Albay.
Ayon sa DSWD, kabilang sa ayuda ang mahigit 71,000 family food packs, libo-libong non-food items, at ready-to-eat food packs para sa mga evacuees. Nagbigay rin ang ahensya ng cash-for-work assistance sa mahigit 3,400 benepisyaryo, kabilang ang mga magsasaka na nawalan ng kabuhayan dahil sa volcanic activity.
Bukod dito, naglaan din ng emergency cash transfer na higit ₱10,000 kada pamilya upang matugunan ang iba pang agarang pangangailangan ng mga internally displaced persons (IDPs).
Sa kasalukuyan, mahigit 1,400 pamilya ang nananatili sa 14 evacuation centers sa Albay, habang patuloy ang koordinasyon ng DSWD sa mga lokal na pamahalaan para sa maayos na kondisyon sa mga evacuation site.
Ayon sa PHIVOLCS, patuloy ang aktibidad ng Mayon Volcano kabilang ang ash emissions at pyroclastic density currents dulot ng pagguho ng lava. (Report by Bombo Jai)
















