Nilinaw ni Pasay City Police Chief PCol. Joselito De Sesto na hindi bahagi ng anumang convoy o escort ang kanilang police mobile na lumabas ng Senado madaling araw ng Huwebes, Mayo 14.
Ito ay matapos niyang kumpirmahin na siya mismo ang sakay ng puting police mobile na lumabas sa Senado bandang alas-3:00 ng madaling araw noong Huwebes.
Ang insidente ay naganap ilang minuto matapos ang napaulat na pag-alis nina Senador Ronald “Bato” dela Rosa at Senador Robin Padilla mula sa Senate compound.
Iginiit ni De Sesto na ang kanilang presensya sa lugar ay bahagi ng isang lehitimong police operation.
Aniya, nagkataon lamang na sabay silang lumabas ng isang itim na van at wala silang ugnayan o koordinasyon sa sakay nito.
Dagdag pa ng opisyal, magkaiba ang kanilang tinahak na direksyon dahil nagtungo ang van sa World Trade Center habang pabalik naman sa istasyon ang pulisya.















