BUTUAN CITY – Nagpapatuloy ang hot pursuit operation ng pulisya sa Bunawan, Agusan del Sur at ng Police Provincial Office, laban sa tumakas na pulis matapos nitong barilin ang kanyang force commander.
Kinilala ang biktima na si Lt. Colonel Rex Lomente ng 2nd Agusan del Sur Provincial Mobile Force Company na nakabase sa Barangay Bunawan Brook sa bayan ng Bunawan.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Agusan del Sur Police Provincial Director Col. Ringo Zarsozo na dakong alas-9:55 kagabi nang ipatawag sa tanggapan ni Col. Lomente ang suspek na si Patrolman Jhon Paul Gerida, apat na taon na sa serbisyo at nakatira sa Purok 6, Brgy. Taganito sa bayan naman ng Claver, Surigao del Norte.
Pagkalipas ng ilang minuto ay narinig na lang ng iba nilang kasamahan ang umalingawngaw na putok ng armas at tumambad ang nakahandusay na biktima.
Itinakbo pa ito sa Bunawan District Hospital pero ini-refer sa Agusan del Sur Provincial Hospital hanggang sa dinala na sa Southern Philippines Medical Center para sa maoperahan sa ulo na tinamaan ng kalibre 45 na service firearm ng suspek.
Sa ngayon ay inalam pa ang dahilan ng pagbaril ng suspek sa kanyang senior officer.