-- Advertisements --

Pormal nang idineklara ng impeachment court bilang “hostile witness” si Gina Acosta, ang dating Special Disbursing Officer (SDO) ng Office of the Vice President (OVP), ngayong araw ng pagdinig.

Dahil dito, ipinaliwanag ni Presiding Officer Chiz Escudero na maaari nang gumamit ng mga “leading question” si Private Prosecutor Atty. Amando Virgil Ligutan sa kanyang pagtatanong sa testigo.

Samantala, naging mainit naman ang pagdinig nang sitahin ni Senator-Judge Erwin Tulfo si Acosta at obligahin na magsalita sa wikang Tagalog at English.

Nagiging mabagal daw kasi ang trial dahil sa pagsasalin ng salita mula sa Bisaya, patungo sa tagalog at English dahil sa pagsasabi ng witness na hindi siya sanay sa ibang wika.

Naglabas naman si Tulfo ng kopya ng opisyal na transcript mula sa mga nakaraang pagdinig ng House Committee on Good Governance upang patunayan na nakakapagsalita at nakakasagot naman si Acosta sa wikang Tagalog.

“Hindi ko maintindihan kung bakit dito, hirap na hirap siyang mag-Tagalog. Tama na po itong panloloko sa atin, please compel this witness to talk in Tagalog,” pakiusap ni Tulfo sa impeachment court.