-- Advertisements --

Iminungkahi ni House Labor and Employment Committee chairman Enrico Pineda na ilipat sa special economic zones ang mga outlets ng Philippine Offshore Gaming Operations (POGO).

Sa ngayon kasi, karamihan sa 56 na POGO sites sa bansa ay nakapuwesto malapit sa mga military at police headquarters tulad ng sa Camp Aguinaldo, Camp Crame, Camp Bagong Diwa at iba pa.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Pineda na napakaraming special economic zones sa bansa na maaring gawin ng Pagcor bilang POGO hubs.

Samantala, suportado ng kongresista ang mga resolusyong inihain sa Kamara na nagpapasilip sa paglipana ng POGO outlets sa Pilipinas at ang epekto nito sa ekonomiya at seguridad sa bansa.

Isa aniya sa mga dapat alamin ng Kamara ay ang usapin hinggil sa employment na ibinibigay ng POGO outlets sa mga banyagang manggagawa, na karamihan ay pawang mga Chinese.

Mahalaga aniyang matukoy kung ang mga ito ay may hawak na valid documents para sila ay makapagtrabaho ng ligal sa bansa.

Kaugnay nito, imumungkahi daw niya sa nakatakdang pagdinig na ipaubaya na lamang sa iisa lamang mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) o Bureau of Immigration (BI) ang magbibigay ng working permits sa mga banyagang ito.