-- Advertisements --

Umaasa si Senadora Grace Poe na isasantabi ng Kamara ang isinusulong umano na People’s Initiative at gawin muna ang kanilang trabaho sa mababang kapulungan ng kongreso.

Ayon kay Poe, silang mga Senador ay handang magtrabaho at pagtuunan ng pansin ang mga dapat unahin.

Nanawagan din ang Senadora sa publiko na tanggihan ang pekeng people’s initiative na iniaalok para amyendahan ang 1987 Constitution.

Aniya, ang pinakakailangan ng mga Pilipino ay pagkain sa hapag, trabaho, pangangalaga sa kalusugan, edukasyon, at kalidad ng buhay.

Ikinalungkot din ni Poe na naging problematic ang signature campaign dahil umano sa pagiging “politician’s initiative” kung saan binibanggit umano na politiko ang nasa likod ng pekeng people’s initiative.

Punto pa ng Senadora, iba’t ibang survey din ang nagsiwalat na ang Cha-cha ay hindi kabilang sa prayoridad ng mga Pilipino.

Malinaw aniya na ang prayoridad ng taumbayan ay ang mataas na bilihin sa merkado, trabaho, at sahod.