VIGAN CITY – Nanawagan ang Philippine Olympic Committee (POC) sa mga kritiko na huwag munang guluhin ang hosting ng bansa sa 30th Southeast Asian (SEA) Games.
Kaugnay pa rin ito sa kontrobersyal na stadium cauldron na gagamitin sa SEA Games na pinaglaanan ng gobyerno ng P50-milyon, na overpriced umano ayon sa mga bumabatikos.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Vigan kay POC president at Cavite Rep. Abraham “Bambol” Tolentino, sinabi nitong dapat daw munang hayaan ng mga kritiko ang issue at bumanat na lamang pagkatapos ng biennial meet.
Iginiit din ni Tolentino na hindi raw extravagant o marangya ang naturang cauldron, kundi isa itong work of art.
Mas mura na rin aniya ang inilaang pondo ng gobyerno para sa pagpapatayo ng cauldron kumpara sa P62-milyon na ginasta ng Singapore para sa nasabing istrakutra, nang maging host ng SEA Games ang bansa noong 2015.
Kaugnay nito, handa rin daw ang sports official kung ipapatawag ito sa anumang imbestigasyong gagawin kaugnay sa isyu.
Una na ring umapela si Philippine SEA Games Organizing Committee chairman at House Speaker Alan Peter Cayetano na sa halip na mamuna ay sumuporta na lamang bilang pagpapakita rin ng suporta sa mga atletang Pilipino.